Monday, July 28, 2014

Masaya Ako (I'm Gay)

Ipinaglihi ako sa sampaguita,
Isinilang na malakas at maganda,
Kalahating Adan at kalahating Eva;
Sadyang pinagkatuwaan ng tadhana.

Laging kinukutya at pinagtatawanan,
At tinatawag na malas kahit saan;
'Di nila inisip na ako'y nasaktan,
Dahil tao ring may mga karapatan.

Ganito man ako'y 'di ko kasalanan,
Diyos ang nakakaalam ng dahilan;
Damdaming salungat sa kaugalian,
Umaalipin sa buong katauhan.

Pilit kong iwinaksi,pinaglabanan,
Ngunit pagsupil, di ko makakayanan;
Katauhang tinatakwil ng isipan,
Ng aking puso ay pinagsisigawan.

"Di ko ginusto na isilang nang ganito,
"Di man matanggap,sana'y unawain n'yo,
Dahil sa aking buhay, ay masaya ako,
At may sulok ding takda dito sa mundo.

No comments:

Post a Comment

Powered By Blogger