Showing posts with label anguish. Show all posts
Showing posts with label anguish. Show all posts

Friday, November 20, 2009

Ngayong Wala Ka Na, Ina

Kay tagal ng lumipas na panahon,
At napakamaraming nagdaang taon;
Ako'y kusang naghintay nang malaon,
Na marinig ang mga salitang 'yon.


Ngunit ni minsan ay di ko narinig,
Yaong mga kataga ng pag-ibig;
Kahit tayo ay laging magkaniig,
Nanatili kang pipi at malamig.


Wari ko, sadyang di mo kailangan,
At sa buhay mo, ako'y kalabisan;
Akala ko, 'yong katahamikan,
Badya ng pagtatakwil na tuluyan.


Naramdaman ko man ang mga haplos,
Ay hindi ko pa rin sukat natalos;
Pagmamahal na sa 'yong puso'y taos,
Ang pahiwatig ng 'yong mga kilos.


Kaya puso'y hinanakit ang kimkim,
Isip ay sakbibi ng paninimdim;
Mga luha ay pumatak nang lihim,
Buhay ay balot ng lumbay at dilim.


At dahil ako'y labis na nasaktan,
Mga pagsamo'y di ko pinagbigyan;
Pagdaraing mo'y di ko pinakinggan,
Naging manhid sa iyong kalungkutan.


Ang pagnanais na ika'y damayan,
Ay ikinubli ko at pinigilan;
Kahit naghirap din ang kalooban,
Tinikis kita at tinalikuran.


Ngayong sa yaring buhay ay nawala,
Ikaw na yumaong baon ay luha;
Saka lamang natanto at nadama,
Na wala ka palang kasinghalaga.


Habang buhay manghihingi ng tawad,
Pagkalinga'y di ko na maigawad;
Sana, noon pa yaon isinaad,
Sayang, di kita minahal kaagad.




by: Maria Luisa Tejero Torrento
Powered By Blogger